Naging bukas noon pa man si Kris Aquino  tungkol sa hidwaan nila ng kaniyang kuya na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Sa kabila ng kalungkutan, nagpapasalamat ang aktres na nagkaayos sila ng kapatid bago pumanaw ang dating lider.

Sa pakikipag-usap ni Kris sa mga mamamahayag nitong Huwebes ng hapon sa Heritage Park sa Taguig City, inihayag niya ang ilang plano kaugnay sa burol at libing ng dating pangulo.

"He could have been lying in state in Malacañang pero nirerespeto namin na hindi lahat ng tao sa PIlipinas ang nababakunahan, so what we have decided as a family right now, we know that there are people waiting outside. We spoke about it our plan was really to take the urn of our brother with us pero bibilisan lang namin dito," anang aktres.

"The rest of the plans ay 'yun palang napapag-usapan namin pasensya na hindi talaga namin inaakala mangyari. Nagulat kaming lahat," patuloy niya.

Plano nilang ihimlay ang abo ni Noynoy sa tabi ng libingan ng kanilang mga magulang na sina dating Pangulong Cory Aquino at dating senador Ninoy Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque sa Sabado.

Sa Facebook page na Noynoy Aquino, sinabing magkakaroon ng isang araw na public viewing sa lalagyan ng abo ni Noynoy sa Church of the Gesu sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Gaganapin ito mula 10:00 am hanggang 10:00 pm.

Pero dahil sa sitwasyon ng pandemic, pinapayuhan ang mga magpupunta na sundin ang ipatutupad na health protocol ng pamahalaan.

Nagkabati na

Sa naturang pagharap ni Kris sa media, sinabi niyang nagawa nilang magkabati ni Noynoy noong Mayo.

“God blessed me, because we made our peace," saad niya.

"That is private. I would like to keep that for myself. But I am so grateful na binigay iyon sa akin,” patuloy ng aktres.

Sinabi pa ni Kris na napatawad siya ng kaniyang kuya at kinilala siya bilang bunsong kapatid.

“Nagpapasalamat ako na napatawad ako at minahal ako, and to the end, ang tinuring niya sa akin ay ako ang kaniyang bunso,” ayon kay Kris.

Inihayag din ni Kris ang pangako niya kay Noynoy.

“Ipinangako ko sa kaniya na gagawin ko ang lahat to just be even one percent of what he is as a man and as a Filipino,” anang aktres.

Sakabila ng madalas na hidwaan ng magkapatid, kilala si Noynoy na malapit sa mga anak ni Kris, lalo na sa panganay nito na si Josh na nakasama ng dating pangulo ng maraming taon sa kanilang bahay sa Times St. sa Quezon City.

--FRJ, GMA News