Isang dekada na raw tinitiis ng mga babaeng residente sa isang barangay sa Leyte ang madalas na pagkawala ng kanilang mga bra at panty na nakasampay. Mahuli na kaya ang salarin?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng ilang residente sa Barangay San Isidro na umaabot sa 10 hanggang 20 na panty ang natangay sa kanila.

Isa sa pinaghihinalaan noon ng mga residente na nagnanakaw ng kanilang gamit ay ang kanilang 63-anyos na kapitbahay na si Lola Editha Laño.

Pero itinanggi ni lola Editha na siya ang may kagagawan sa pagkawala ng mga bra at panty ng kapitbahay.

Subalit nang maghahalughog ang ""KMJS" team sa kaniyang bahay, natagpuan ang isang bag na naglalaman ng iba't ibang panty at bra.

Ipinagtapat ni Lola Editha na ang kaniyang apo na si Melvin, na may kapansanan sa pag-iisip ang talagang nagnenenok ng mga saplot ng babae.

"Onse anyos pa lang siya nagnanakaw na siya. Ako ang nakahuli sa kaniya, lalo na kapag bra. Magsuot siya, magsayaw-sayaw sa harap ng salamin. Tinatanong ko siya kaninong bra ang kaniyang suot, sabi niya kaniyang ninakaw," kuwento ni Lola Editha.

Agad namang ibinabalik ni Lola Editha sa kaniyang mga kapitbahay ang mga bra at panty na ninakaw ng kaniyang apo. Pinagsasabihan din niya si Melvin na hindi mabuti ang ganitong gawain.

Ayon kay Lola Editha, meron ding problema sa pag-iisip ang ina ni Melvin.

Ano nga bang kondisyon mayroon si Melvin at bakit paulit-ulit siyang nagnanakaw ng bra at panty. Malulunasan pa kaya ang kaniyang kondisyon? Tunghayan ang buong kuwento sa video.

--FRJ, GMA News