Tinupad ng isang pamilya sa Caoayan, Ilocos Sur ang dream debut ng isang dalagita na pumanaw kamakailan matapos malunod. Ang selebrasyon, isinagawa bago siya ihatid sa huling hantungan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa mga larawan na ipinost ni Lyn Avila sa social media, ang mga handa sa debut na may kasamang 18 roses, 18 candles, 18 teddy bears, 18 balloons, at ang dream cake.

Ngunit wala na ang mismong debutante na si Jochelle Avila, na nalunod kamakailan sa dagat.

Bago siya inilibing, tinupad ng kaniyang pamilya ang pangarap ni Jochelle na magkaroon ng magandang debut.

Tanging ang larawan na lamang ni Jochelle ang isinayaw ng kaniyang mga kamag-anak.

Umaasa ang pamilya ni Jochelle na kahit sa ganitong paraan ay napasaya nila si Jochelle kahit wala na siya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News