Masaya ang 71-anyos na si Lola Lorna dahil nakasama niya sa bahay ang mga batang apo ngayong may pandemic. Pero ang saya, nalukuban ng takot nang may kakaibang "nilalang" na nagpakita sa Tiktok video ng dalawa niyang apo.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing tatlong dekada nang nakatira si Lola Lorna sa kaniyang bahay sa Angeles, Pampanga.

At dahil sa pandemic, hiniling niya sa kaniyang mga anak na makasama niya sa bahay ang kaniyang mga apo.

Pero ang kanilang saya, nabahiran ng pangamba nitong nakalipas na mga araw dahil sa mga nangyayaring kababalaghan sa kaniyang tahanan.

Tulad ng tila may batang dumadaan sa kanilang likuran. May nakikita rin siyang tila wangis ng batang babae na hindi naman niya apo.

May nadidinig din siyang tila tumatawag sa kaniya na ginagaya ang boses ng kaniyang mga apo. Bukod pa ang palaging pagkatok ng tatlong beses sa kaniyang pinto na wala namang tao kapag binuksan niya.

Minsan, nakita rin niya ang isa niyang apo na natutulog pero nilalamig at tila umuungol pero tila iba ang boses.

At nang kaniyang ipatingin sa albularyo, sinabing sinasaniban ng batang babae ang kaniyang apo.

Hanggang sa dumating na ang pangyayari na may biglang umeksena sa video ng dalawa pa niyang apo habang nagti-Tiktok sa loob ng bahay.

Ang hitsura ng kakaibang "nilalang" umeksena sa video, tila batang babae rin na maliit ang mukha.

Dahil dito, lagi na silang magkakasama sa kuwarto kapag natutulog dahil sa takot.

Upang malaman kung anong kababalaghan ang nangyayari sa bahay, nagsagawa ng imbestigasyon ang paranormal researcher na si Ed Caluag, at kinumpirma niya na isang batang babae ang sumasanib sa apo ni Lola Lorna.

Pero ang elemento kaya ng batang babae na tila batang babae na nagpakita sa Tiktok video ang babae na sumasanib din sa apo at bakit siya nanggagambala?

Mapaalis kaya ni Ed sa bahay ang kakaibang nilalang, at ano ang obserbasyon ng video expert sa kuha sa Tiktok? Panoorin ang makakikilabot na kuwento sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News