Dahil sa ibinibigay na tulong, itinuring ni Jennifer na isang kaibigan ang bagong kakilala niya na si Elidia. Pero ang inakalang kaibigan, tinangay ang kaniyang bagong silang na sanggol.

Kuwento ni Jennifer, na taga-Caloocan, sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," buntis pa lang siya noong Abril nang makilala niya si Elidia dahil sa nagbigay ito sa kaniya ng kaunting tulong pinansiyal.

Kinuha rin ang kaniyang cellphone number at nagmagandang-loob pa na ipatitingin siya sa OB-GYN, at nagbigay pa ng grocery.

Pero ang mister ni Jennifer, duda sa tunay na intensiyon ni Elidia lalo pa nang mabanggit nito na may tiyahin daw ito na gustong bilhin ang bata.

Hanggang nitong June 4, iniluwal ni Jennifer ang ika-anim niyang anak na si baby Carl Michael.

Ilang linggo matapos manganak si Jennifer, nag-text sa kaniya si Elidia para mangamusta.

Hiniling din niya na magkita sila para makita ang baby, na pinagbigyan naman ni Jennifer.

Pero nang magkita na sila, nakiusap si Elidia na hihiramin ang sanggol para makita lang ng kaniyang tiyahin.

"Birthday daw ng tita niya. Gusto raw niyang hiramin. Sabi ko 'Ibalik mo agad.' Inabutan niya po ako ng P2,000 bilang tulong ng tita niya," ayon kay Jennifer.

Dahil sa pag-aakalang malapit ang lugar at nangako naman si Elidia na isasauli rin ang baby, pumayag si Jennifer na hiramin ang kaniyang anak.

"Wala po sa isip ko na lolokohin niya po ako. Sabi niya po kasi sa akin na ibabalik niya po sa akin 'yung baby ko kinahapunan po. May tiwala po kasi ako sa kaniya," dagdag ni Jennifer

Subalit pagkaraan ng ilang oras, hindi na bumalik si Elidia at hindi na nito sinasagot ang text at tawag ni Jennifer.

At doon na napagtanto ni Jennifer na dinukot na ni Elidia ang kaniyang anak.

Maibabalik pa kaya kay Jennifer ang kaniyang sanggol gayung hindi niya lubos na kilala si Elidia at hindi rin niya matandaan masyado ang mukha nito dahil laging naka-face mask kapag nagkikita sila.

Kaya ang tanging pag-asa ni Jennifer, ang cellphone number na gamit ni Elidia para matunton ang kinaroroonan ng kaniyang anak.

Tunghayan sa video kung papaano nakatulong ang "KMJS" team para matunton ang kinaroroon ni Elidia, na iba pala ang tunay na pangalan. Panoorin.

--FRJ, GMA News