Sinong mag-aakala na sa simpleng panghihiram, mahahanap ng isang babae ang lalaking makakasama niya sa buhay.

Ito ang kuwento ni Rain Argales na nakilala ang kaniyang "The One" nang manghiram siya ng tabo sa katabing unit ng boarding house na kaniyang tinutuluyan.

Sa programang Brigada, sinabing nagtungo sa Cebu ang breadwinner na si Rain para magtrabaho at suportahan ang kaniyang pamilya. Dahil dito, hindi niya muna priority ang ibang bagay, lalo na ang pag-ibig.

"Maunawain, maalaga, at saka susuportahan ako. Hindi ako masyadong tumitingin sa pisikal na anyo. Bonus na lang 'yon," sabi ni Rain.

Bagong lipat sina Rain at ng kaniyang roommate ng boarding house noon at kailangan nilang maglinis ng CR, pero wala silang tabo. Sinabihan si Rain ng kaniyang kaibigan na mayroong lalaking guwapo sa kabilang kuwarto.

"Merong guwapo sa kabilang kuwarto na matangkad na model. Na-curious naman ako. Pumunta ako, kapal ng mukha, 'di ba? Pumunta ako roon para manghiram ng tabo," kuwento ni Rain.

"Pagbukas ng pinto, siya 'yung nakita ko tapos sabi ko 'Ay, ang guwapo naman nito.' Ito 'yung mga type ko talaga. Pero hindi ko lang pinahalata kasi 'diba? First time pa nga tapos nanghihiram pa ako ng tabo," kuwento ng dalaga.

'Yun pala, tila love at first sight din sa kaniya ang 22-anyos noon na si Jolo Argales.

"Pagbukas ko ng pintuan, nagulat ako. Siyempre kapapanalo pa lang noon ni Leila Lopes sa Miss Universe. May pagkahawig siya (Rain) doon eh, mahaba 'yung buhok, kulot tapos sexy. Nagulat ako eh, kaya nagka-interes din ako sa kaniya," sabi ni Jolo.

Gayunman, naobserbahan ni Rain na tila maldito si Jolo dahil nagsalubong ang kilay nito at parang ayaw magpahiram.

"Typically 'pag nanghihiram tayo ng gamit, talagang nagpapakilala muna tayo. Siya iba eh, kumatok agad na manghihiram ng tabo, hindi man lang nagpakilala eh," paliwanag ni Jolo.

Magmula nito, napadalas na ang panghihiram ni Rain ng gamit kay Jolo.

"Hindi ko makakalimutan 'yung papasok na siya sa trabaho, maulan. Kumatok siya sa pintuan namin, nanghihiram ng payong kasi nga wala siyang payong. Sabi ko 'Sige papahiramin kita ng payong pero sa isang kondisyon. Ihahatid kita. Baka kasi hindi mo isauli 'yung payong eh.' Doon nagsimula nu'ng hinatid ko siya," kuwento ni Jolo.

Kalaunan, nagtapat din si Jolo ng kaniyang nararamdaman kay Rain.

"Super saya! Kasi 'di ba, crush ko eh tapos sasabihin sa akin na nagkaka-interes din pala siya sa akin,"  sabi ni Rain.

Matapos ang halos siyam na taon na pagsasama, ikinasal na sina Rain at Jolo nitong Hunyo. Sa ngayon, inaasahan na nila ang kanilang baby number 2.
--FRJ, GMA News