Mula sa Batangas ang lalaking solong napanalunan ang mahigit P84 milyon na jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw noong July 1, 2021.

Ayon sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, "lucky pick" system ang ginamit ng lalaki sa pagpili ng mga numero na tinayaan niya sa isang outlet sa Nasugbu, Batangas.

Sinabi umano ng lalaki na mayroon siyang inaalagaang numero at 20 taon na siyang tumataya sa lotto. Pero nang araw na tayaan ang nanalong numero, pinili niyang mag-lucky pick.

“Hanggang ngayon hindi kami makapaniwalang mag-asawa na kami ay nanalo,” ayon sa lalaki na kinubra sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong ang premyo na kasama ang kaniyang asawa.

“Gagamitin namin ang aming napanalunan sa business at kailangan gamitin ng maayos para sa aming future,” ayon pa sa lalaki sa inilabas na pahayag ng PCSO.

Nitong Lunes, July 26, 2021, dalawa ang tumama sa Megalotto 6/45   draw na may premyong mahigit P36 milyon.

Ang lumabas na kombinasyon ay ang 34-40-08-24-36-30.

Samantala, wala namang tumama sa mga isinagawang draw nitong Martes, July 27.

Sa Lotto 6/42, ang lumabas na kombinasyon ay 38-04-08-42-41-18, at may premyong mahigit P56 milyon.

Sa Superlotto 6/49, ang kombinasyon ng mga numero ay 23-30-33-38-21-02, at may premyong mahigit P29 milyon.

Umabot naman sa P49.5 milyon ang premyo sa Ultra Lotto 6/58, na ang kombinasyon ng mga numero ay 53-10-12-30-11-05.--FRJ, GMA News