Kasabay ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima ng pamamaril na naganap sa isang paaralan sa Nonthaburi, Thailand, inihayag ng Philippine Embassy doon na ligtas ang mga Pinoy na guro na nagtatrabaho sa naturang eskuwelahan.
Sa inilabas na pahayag embahada ng Pilipinas doon, sinabing nangyari ang pamamaril ng isang binatilyong estudyante sa Debsirin School Nonthaburi nitong Biyernes.
“The Philippine Embassy extends its deepest sympathies and heartfelt condolences to the families and loved ones of the victims, as well as to the entire school community and the Thai government following the tragic school shooting incident,” saad ng embahada.
“The Philippine Embassy likewise prays for the speedy and full recovery of those who were injured,” dagdag nito ay sinabi rin, “The Philippines stands in solidarity with Thailand during this time of grief.”
Ayon sa embahada, na ligtas at hindi nasugatan ang walong registered Filipino teachers na nasa Debsirin School Nonthaburi.
Sa ulat ng Reuters, sinabing pito ang nasawi at hindi bababa sa 15 iba pang sugatan sa ginawang pamamaril ng binatilyong estudyante na namaril sa loob ng paaralan.
Mga guro at empleyado ng paaralan ang namatay. Ngunit ilan sa mga sugatan ang malubha umano ang kalagayan.
Sa isang video, makikita ang ilang estudyante ang nagtatago sa ilalim ng mga lamesa at nagkulong sa loob ng silid-aralan habang madidinig ang mga putok ng baril.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na bago mamaril sa paaralan, binaril at pinatay din ng binatilyo ang kaniyang lolo at lola, gamit ang baril ng kaniyang lolo.
Nagbaril din sa sarili ang binatilyo kinalaunan. — FRJ GMA News

