Inihayag ni Wilma Doesnt na 14 taon ang kaniyang hinintay bago nag-propose sa kaniya ang kaniyang non-showbiz boyfriend na si Gerick Livelo Parin. Ipinakilala rin niya ang kaniyang mga anak at ang pinasok na negosyo na "5 star karinderya."

Sa "Stories of Hope" ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Wilma na nagkakilala sila ni Gerick noong 2007, na panahon na ipinagbubuntis na niya ang ikalawa niyang anak.

"Kung babae ka tapos buntis ka tapos alam mong wala na naman 'yung tatay tapos there is someone who stands beside you, malaking bagay 'yun eh. Kaya sabi ko noong nasa recovery room ako. 'Pag ako dumilat at nandiyan pa rin siya, mamahalin ko na siya," sabi ni Wilma.

Biro ni Wilma, "True enough! Andu'n nga siya. So in short buntis pa lang ako sa pangalawa ko, lumalandi na ako nang bago."

Kaya naman magkakaiba ang mga ama ng anak ni Wilma na sina Asiana, Svetlana, at  si Araion, na siyang anak nila ni Gerick.

Si Gerick naman ay may anak din sa dating partner.

Nag-propose si Gerick kay Wilma noong gabi bago ang kaniyang kaarawan nitong Hulyo 10 sa pamamagitan ng kunwaring bidding event.

Nang ianunsyo ang winner, nag-play ang kantang "Stuck On You," na kanta raw ni Gerick para kay Wilma.

"So narinig ko 'yon tapos pagtingin ko sa kaniya, naglalakad na siya papunta sa akin tapos hawak niya 'yung maliit na box na pula. Tapos sabi ko 'Jusme,' andoon pa ako na may mic, 'Ito na ba ito?' Sabay binuksan niya tapos inaabot sa akin, lumuhod siya. Hindi na ako nakapagsalita," pag-alala ni Wilma.

"Yes! Ayan na siya, ayan na siya. It's been 14 years, I waited for that day. Alam niya 'yon," anang actress-model.

"Siguro naman, for 14 years, sabi ko, it's about time naman, every woman dreams na magkaroon talaga ng marriage or wedding," sabi ni Gerick.

"Ang kasal next year, March 22, 2022. Anniversary namin 'yan," pag-anunsyo ni Wilma.

Tunghayan sa video ang kuwento ng love story nina Wilma at Gerick, at alamin kung papaano nagtutulong-tulong ang pamilya sa itinayo nilang negosyong kainan, na kabilang sa mga naapektuhan ng pandemya.--FRJ, GMA News