Matapos makapanayam sa "Mars Pa More" noong Nobyembre 2020, natupad na hangarin ng 90's sexy stars na sina Priscilla Almeda at Leandro Baldemor na muling magkasama sa proyekto.

Kabilang si Priscilla at Leandro sa cast ng upcoming GMA series na “Lolong,” na pangungunahan nina Ruru Madrid, Shaira Diaz at Arra San Agustin.

Sa location ng kanilang lock-in taping, makikita ang larawan ng dalawa na may mahalagang papel na gagampanan sa serye.

 


Kabilang sa pelikulang pinagtambalan noon nina Priscilla at Leandro ay "Sariwa" (1996) at "Tukso Layuan Mo Ako 2" (1996).

Nang hindi na maging aktibo sa showbiz, nangibang-bansa noon si Priscilla, at napunta naman sa paglililok o wood carving si Leandro sa Laguna.

Taong 2020 nang bumalik muli sa Pilipinas si Priscilla at sinabing "for good" na siya at handang sumabak muli sa showbiz.

Sa naturang panayam noon sa "Mars Pa More," sinabi ni Leandro na malaki ang utang na loob niya kay Priscilla dahil pumayag ito noon na maging leading man siya sa pelikula.

"Yung gagawin niyang pelikula na pagbibidahan niya noon, ako 'yung napili niya. Kaya nagpapasalamat ako dahil sa dami ng leading man," ayon sa aktor na nagsabing 1996 noong huli niyang makita ang aktres.

"Kung hindi dahil sa'yo siguro wala ako sa showbiz ngayon," dagdag ni Leandro.

Puro papuri naman ang binanggit ni Priscilla kay Leandro na "Jeff" ang tawag niya.

"Noong na-meet ko si Jeff, he's super bait, so down to earth and good-looking guy and so clean! So I'm said, 'Yes, yes!'" kuwento ni Priscilla.

"I've been lucky na puro gentlemen 'yung kaeksena ko pero si Jeff love ko 'yan, he's the best," dagdag ni Priscilla.

Abangan ang tambalan nina Priscilla at Leandro sa "Lolong" at kung ano ang papel na gagampanan nila sa buhay ng bidang si Ruru.--FRJ, GMA News