Kasali ang Filipino crime-thriller sequel na "On The Job: The Missing 8" sa Venice Film Festival, na gaganapin sa Setyembre 1 hanggang 11, 2021.

Sa Star Bites report ng GTV Balitanghali nitong Huwebes, sinabing ito ang kinumpirma ng mismong direktor na si Erik Matti.

Sa sequel ng "OTJ," makakasama ang mga Kapuso star na sina Dennis Trillo, Rayver Cruz, Wendell Ramos, Megan Young, Ina Feleo at ang premyadong aktor na si Christopher de Leon.

Ang "OTJ" ang nag-iisang Asian film na kasama sa main competition.

Kasama nitong maglalaban para sa film fest top prize ang ilan pang international films tulad ng "The Power of the Dog," "Parallel Mothers," at biopic ni Princess Diana na "Spencer."--Jamil Santos/FRJ, GMA News