Nitong nakalipas na dalawang linggo, ilang kalamidad ang tumama sa bansa tulad ng mga pag-ulan na nagdulot ng matinding baha at lindol. Ang lahat ng ito, nakita raw ng kontrobersiyal na visionary at psychic na si Rudy Baldwin bago pa man mangyari.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing kaagad na ipinost ni Rudy sa kaniyang Facebook page nang makita niya sa pangitaan noong Hunyo ang magaganap na lindol sa Batangas, gayundin ang pinsalang aabutin ng Bataan dahil sa pagbaha.

Nakita rin daw ni Rudy sa kaniyang pangitain ang naganap na sunog sa Quiapo na kaniya ring ibinihagi sa Facebook para mabigyan ng babala ang mga tao.

Nilinaw ni Rudy na hindi niya nais manakot sa ginagawa niyang pagsasapubliko ng mga nakikitang pangitain. Sa halip, nais lang niyang bigyan ng babala ang mga tao para makapag-ingat.

Dahil mayroon din mga tao na nagdududa sa kakayahan ni Rudy, hindi rin niya ipinipilit sa mga tao na paniwalaan siya.

At sa nalalabing limang buwan ng 2021, sinabi ni Rudy na mayroon siyang pitong pangitain pero hindi pa niya inilalagay ang mga ito sa kaniyang FB page, tulad ng isang batikang artista na bigla umanong papanaw.

Ano-ano nga ba ang mga nakikita ni Rudy na mangyayari sa bansa, at ano masasabi ng mga eksperto at Simbahan tungkol sa kakayahan umano ng isang tao na makita ang mangyayari sa hinaharap? Panoorin ang video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News