Sumuko na ang isa pang pulis na dawit sa pagdukot at brutal na pagpatay sa isang babaeng online seller sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, kinilala ni Philippine National Police (PNP) Region 3 director Brigadier General Valeriano de Leon, ang sumukong suspek na si Police Master Sergeant Rowen Martin, na nakatalaga sa Cabanatuan City Police Station.

May kasama umanong abogado si Martin nang sumuko, at nasa kostudiya na ng  PNP Central Luzon.

Isinuko rin niya ang kaniyang baril.

Nitong Martes, sinabi ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar na inatasan niya ang Internal Affairs Service na magsagawa kaagad ng summary dismissal proceedings laban sa limang pulis na iniuugnay sa pagkamatay ng biktimang si Nadia Casar.

Hapon noong July 20 nang dukutin si Casar at ang Grab driver na kaniyang sinasakyan sa Barangay Tagpos, Sta. Rosa.

Noong Agosto 1, nadiskubre ang sinunog na bangkay ni Cesar sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley sa Palayan City.

Isang sibilyan pa na si Franklin Macapagal ang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Si Macapagal umano ang dapat na tatagpuin ng biktima nang mangyari ang pagdukot.—FRJ, GMA News