Ipinakita ni Kris Aquino ang malasakit kay Willie Revillame nang magsama sila sa tv special ng isang online shopping app na ipinalabas sa GMA 7 nitong Linggo.

Kabilang si Kris sa co-hosts ni Willie sa “8.8. Mega Flash Sale TV Special." Ito ang unang pagkakataon na muling nag-host si Kris sa telebisyon pagkaraan ng limang taon na pagpapahinga.

Bago matapos ang tv special, napansin ni Kris na pinagpapawisan si Willie.

"Teka nga bakit walang nag-aalaga sa'yo? Pahinging Kleenex nga. Nababaliw ako sa inyo. Pawis na pawis na si Wil," saad ni Kris.

Nang makuha ni Kris ang tissue, tila nahiya si Kuya Wil na punasan siya kaya kinukuha niya ang pamunas.

Pero nagpilit si Kris na siya ang magpupunas ng pawis ng TV host.

"Dapag inaalagaan ka. Pinapabayaan ka," sabi ni Kris

"Bakit mo ko pinupunasan?," natatawang sabi ni Kuya Wil

"Inaalagaan ka nga," tugon naman ni Kris.

Biro ni Kuya Wil, hindi sila phenomenal love team na "AlDub" dahil matanda na sila.

"Lolo na 'ko. Magiging lola ka na rin," sabi ni Kuya Wil kay Kris, na sumagot muli na "Of course not. Matagal pa 'yon."

Sabi ni Kuya Wil, hindi siya sanay na inaalagaan siya at siya ang nag-aalaga sa sarili niya.

Bago nito, pabirong tinanong ni Kris si Kuya Willie na, "May girlfriend ka na or hinihintay mo ko?"

Kuwento pa ni Kris, "Kanina may ni-reto siya sa kin eh, dapat daw si secretary...bakit mo ba ako nirereto? Alam naman nating lahat ikaw ang gusto ng anak ko."

Sinabi ni Kuya Wil na iyon ang huling pag-host niya sa TV special ng naturang online shopping app pero patuloy pa rin niyang makakasama ang Shopee sa "Wowowin-Tutok To Win."— FRJ, GMA News