Ilang residente sa Pavia, Iloilo ang natatakot para sa kanilang kaligtasan dahil umano sa aswang na nahuli-cam umano sa magkaibang lugar.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ikinuwento ni Aling Marilou na gabi at naghuhugas siya ng pinggan sa labas ng kanilang bahay nang lumapit sa kaniyang likuran ang pinaniniwalaang aswang.

Kasunod nito ay nagpatuloy sa paglakad ang lumapit sa kaniya. Pero bigla itong bumalik at tila pagapang na lalapit sa kaniya.

Mapula umano at nanlilisik ang mga mata nito at nakatayo ang mga buhok.

Pero nagpakatatag daw si Aling Marilou at sinabihan ang umano'y aswang na sasabuyan niya ng tubig.

Doon na raw biglang nawala ang naturang asawang.

Giit ni Aling Marilou, aswang talaga ang nakita niya at posibleng ang buntis na apo niya ang pakay.

Para patunayan na totoo ang kaniyang sinasabi, pinanood niya ang CCTV ng kapitbahay at doon nakita na totoo ang kuwento niya tungkol sa paghuhugas ng pinggan at may lumapit sa kanilang likuran.

Gayunpaman, hindi nakita sa video ang sinasabing hitsura ng aswang dahil natatakpan ito ng bakod.

Ngunit hindi lang isang pagkakataon na nangyari na mayroon umanong aswang na nahuli-cam sa CCTV.

Sa isa pang lugar, makikita ang isang tila nilalang na parang unggoy o palaka na maglakad na biglang naglaho.

Gayunman, lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na walang katotohanan sa haka-hakang aswang. Kung bakit at ano ang patunay, panoorin sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News