Sa buong buhay ng 32-anyos na si Buboy, wala siyang duda sa kaniyang pagkatao na isa siyang lalaki. Kaya naman nagtataka siya kung bakit mayroon daw siyang buwanang dalaw o regla.

Kuwento ni Buboy sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagsimula siyang reglahin noong 14-anyos pa lang daw siya.

Ang inakalang minsanan lang na pagdurugo, naging buwanan na kung mangyari.

Kapag nagkakaroon daw siya ng "dalaw," masakit daw ang kaniyang katawan, walang ganang kumain at mas gusto na lang niyang magpahinga.

Sa tuwing may regla, sinasapinan daw niya ng tela ang kaniyang brief bilang pasador dahil nahihiya siyang bumili ng sanitary napkin.

Dahil sa kaniyang sitwasyon, kung minsan daw ay hindi siya pumapasok sa eskuwelahan dahil sa hiya.

Ang problema sa pagkakaroon niya ng umano'y regla ay dala-dala niya hanggang sa kaniyang paglaki at nang magkatrabaho.

Apektado rin ang kaniyang love life.

Nang malaman daw kasi ng kaniyang nobya ang kaniyang lihim at hindi sila magkaanak, iniwan siya nito matapos magsama sila ng apat na taon.

Dahil kapos sa pera si Buboy, kahit minsan ay hindi pa raw siya nakapagpatingin sa duktor.  Inamin din niya na ang dugo ay lumalabas sa kaniyang puwetan.

Kaya naman sinamahan siya ng KMJS team na magpasuri sa doktor at doon ay nalinaw ang posibleng dahilan kung bakit dinudugo si Buboy. Panoorin ang buong kuwento sa video.

--FRJ, GMA News