Dahil "minarkahan" umano ng kakaibang nilalang na kasama nila sa dating bahay ang anak niyang babae, nagpasya na ang pamilya ni Sherilyn Reyes-Tan na lumipat ng tirahan.

Sa programang "Mars Pa More," kinilabutan ang mga host na si Iya Villania at Camille Prats nang ibahagi ng kanilang bisita na si Sherilyn ang kuwento sa likod ng pag-alis nila sa bahay na 10 taon na nilang tinitirhan.

Kuwento ng aktres, may nararamdaman na raw sila noon na may kasama sila sa bahay na "entity" o kakaibang nilalang pero nakasanayan na nila.

Pero isang araw, nagkaroon sila ng bisita na medyo malakas ang third eye at nakita nito ang anak niyang babae na 10-taong-gulang, na may kasama raw na "dalawang bata" kahit wala naman silang nakikita.

Ayon pa sa kanilang bisita, "minarkahan" ng kakaibang nilalang ng "14" ang likod ng kanilang anak.

Ibig sabihin daw nito, bago o pagsapit ng kanilang anak sa edad na 14 na hindi na ito magiging.

"So alam mo 'yon, whether or not na totoo parang... alis na tayo dito," sabi ni Sherilyn.

Nagkuwento raw ang kaniyang anak sa kanilang bisita na bumalik ang kaniyang "playmate" o imaginary friend. Pero nagsabi raw ito na huwag sasabihin sa mga magulang.

Nang makakita na raw sila ng lilipatan at pag-uusapan ng pamilya, bigla raw nagkasakit ang kaniyang asawa at naospital.

Paniwala raw ng kanilang bisita, pinipigilan sila ng nilalang na  umalis ng bahay.

Kuwento pa ni Sherilyn, bago sila umalis ng kanilang bahay para lumipat na, nagsagawa sila ng "ritwal" at may kababaghan pa ring nangyari.

Bigla lang daw nabasag ang hawak na bowl ng isa sa kanila na may lamang asin na gamit nila sa ritwal.

Gayunpaman, natuloy naman daw ang kanilang paglipat at sa ngayon ay maganda naman ang kalagayan nila sa bago nilang tahanan.--FRJ, GMA News