Nang itampok si Mahal sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" kamakailan nang puntahan niya sa Bicol ang kaibigan at dating ka-love team na si Mura, sinabi niya na, "Kapag halimbawa mawala ako sa mundo, mayroon pa akong konting naitulong sa'yo."

Bukod sa malayong biyahe, isang oras din na naglakad at may kasamang pakarga si Mahal sa kaibigang si Mygz Molino, bago nila narating ang bahay ni Mura.

Sa kaniyang pag-alis, sinabi ni Mahal kay Mura na, "Hanggang sa tumanda ako o uugod-ugod, siyempre pupunta pa rin ako rito. Para kapag may raket, iaalok kita okey."

Sabi pa ni Mahal, "Kapag halimbawa mawala ako sa mundo, mayroon pa akong konting naitulong sa'yo."

Bago nito, naitampok di si Mahal sa episode ng KMJS noong Abril 2021, at dito naman ay ikinuwento niya kung saan nanggaling ang kaniyang pangalang "Mahal."

Noemi Tesorero ang tunay na pangalan ni Mahal, at ikinuwento niya ang "Mahal," ay tawag sa kaniya ng kaniyang lola.

Nang pumasok na siya sa showbiz, ito na rin ang ginamit niyang screen name.

Samantala, June 2021 naman nang mag-guest si Mahal sa The Boobay and Tekla Show, at dito ay ikinuwento nito ang kaniyang mga pinagkakaabalahan habang mayroong pandemic.

Nilinaw din ni Mahal kina Boobay at Tekla kung papaano pumasok sa buhay niya si Mygz at kung ano ang tunay nilang relasyon.

 

--FRJ, GMA News