Kuwelang ikinuwento ni Gladys Reyes ang isang batikang aktres na hindi niya makalilimutan dahil humiwalay daw ang kaniyang kaluluwa nang sampalin siya nito sa isang eksena. Tinukoy din niya ang dalawang aktres na gusto niyang masampal niya sa eksena para sa "karangalan."

Sa programang "Mars Pa More," kinilala ni Gladys ang batikang aktres na sumampal sa kaniya nang malakas na si Diamond Star Maricel Soriano, na Inay Maria ang tawag niya.

"Kasi siya pa lang 'yung sumampal sa akin doon sa movie. At talagang totoo ang mga bali-balita na malakas nga talagang sumampal si Inay Maria. Talagang humiwalay nang konti 'yung kaluluwa ko sa pagkatao 'ko," natatawang sabi ni Gladys.

"Pero bumalik naman agad-agad. Mga ilang segundo lang tapos okay na, natauhan na agad ako," dagdag pa ni Gladys.

Ang pelikulang tinutukoy ni Gladys ay ang 1997 movie na "Minsan Lang Magmamahal," na gumanap sila bilang magkapatid ni Maricel.

Si Maricel ang nakatatandang kapatid na si Marietta, samantalang si Gladys si Pinky.

Sinabi pa ni Gladys na magiging isang karangalan para sa kaniya kung mabibigyan din siya ng pagkakataon na masampal sa eksena sina Nora Aunor at Vilma Santos.

"Siyempre si Ate Guy at saka si Miss Vilma Santos. Karangalan 'di ba, ang masampal mo ang Superstar at Star For All Seasons, why not? Tsaka may lisensya ka," sabi ni Gladys. --FRJ, GMA News