Hindi pa rin makapaniwala si AiAi delas Alas na wala na si Mahal, na nakatrabaho niya sa Kapuso series na "Owe My Love." Si Winwyn Marquez, ipinost ang masasayang video na kasama ang pumanaw na komedyante.

"Kanina hindi pa nag sink in saken na wala ka na pero nung pinanood ko to ayan naiyak nako ... kanina tulala ako na parang fake news ang dating saken," sabi ni AiAi sa kaniyang Instagram post na makikita ang isang video na kasama si Mahal.

"Nawalan ako ng isang barkada sa industriya," dagdag pa niya.

 

 

Sa hiwalay na post, inihayag ni Winwyn kung gaano ang ipinadamang pagmamalasakit sa kaniya ni Mahal nang magkasama rin sila "Owe My Love.

 

 

"From the first day na nakilala at nakasama kita parang naging ate na kita.. lagi mo ako kimakamusta, sinasamahan, at inaalagaan," sabi ng actress-beauty queen.

"Kayong 2 ni Mygz pinaramdam niyo na hindi ako iba kahit pag labas natin sa lock in napaka supportive at ateng ate ka padin. napakabuti mong tao ate mahal," patuloy niya.

Tulad ng marami, hindi rin daw makapaniwala si Winwyn na wala na si Mahal.

"Sabi mo magkikita at mamamasyal pa tayo.. salamat sa ngiti na binigay mo sa amin at lalo na sa akin salamat sa mga usapang life and love.. I really want to hug you right now," sabi pa niya.

Nag-post si Winwyn ng masasayang video na kasama niya si Mahal.

 

 

Pumanaw si Mahal, o Noemi Tesorero sa tunay na buhay, nitong Martes sa edad na 46. --FRJ, GMA News