Sa episode ng kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win" nitong Miyerkules, dama ang lungkot ni Willie Revillame sa biglang pagpanaw ni Mahal, na dati rin niyang nakatrabaho at bumibisita sa kaniya.

Kuwento ni Willie, nakasama niya si Mahal bilang co-host sa dating programa sa ibang TV station kung saan nabuo ang tambalan nito kay Mura.

Pero kahit nawala na ang naturang show, binibisita naman siya ni Mahal sa iba niyang programa, kabilang na nang makalipat siya sa GMA-7 para sa "Wowowin."

Dito ay ipinalabas ang naging guesting ng komedyante sa kaniyang programa.

"Mahal, salamat sa pagbibigay mo ng kasiyahan sa amin. Pinangiti mo lahat. We miss you," sabi ni Kuya Wil, kasabay ng pakikiramay sa mga naulila ni Mahal.

Patuloy niya, mahirap na ang buhay ngayon dahil sa pinagdadaanang pandemya at nakakadagdag sa lungkot kapag may mga kakilala na naging malapit sa iyo ang mababalitaang pumanaw.

"[Pero] ganun talaga. Ganun ang buhay natin, hindi natin masabi," saad ng TV host. "Maaaring ako rin anytime mawala rito. Ganun ang buhay."

Pero dahil masaya ang programang "Wowowin-Tutok To Win," gumawa ng paraan si Willie para mapagaang ang sitwasyon sa pamamagitan ng langaw na nasa studio.

"Pero buhay pa ko nilalangaw na 'ko rito," natatawa niya sabi.--FRJ, GMA News