Inihayag ni Kiray Celis na hindi pa rin niya matanggap ang pagpanaw ng komedyanteng si Mahal, na maituturing niyang isa sa mga tunay na kaibigan sa showbiz.

"Iniiwasan ko na pag-usapan siya kasi hindi pa po namin tanggap. Hindi namin kayang isipin na wala na siya kasi masyadong pong biglaan," sabi ni Kiray sa panayam ng GMA News "Unang Hirit."

WATCH: Balikan ang makulay na buhay ni Mahal

Kuwento ni Kiray, halos araw-araw daw silang nagkakausap ni Mahal, o Noemi Tesorero sa totoong buhay.

"Last time lang po kausap lang namin siya, lagi po kasing nagcha-chat kami, as in halos every day po. Kaya medyo nagulat ako, akala ko hindi totoo," sabi ni Kiray.

"Ang hirap po eh. Isa si Ate Mahal sa masasabi ko po na tunay na kaibigan dito po sa trabaho natin," dagdag ni Kiray.

READ: Ilang celebrity, nagdadalamhati at 'di makapaniwala sa biglang pagpanaw ni Mahal

Matatandaang nagkasama sina Mahal at Kiray sa Kapuso rom-com series na "Owe My Love," at nakatrabaho rin nila sina Lovi Poe, Benjamin Alves, Ai-Ai delas Alas, Buboy Villar, Ruby Rodriguez, Nova Villa, Jackie Lou Blanco at marami pang iba.

Pumanaw si Mahal noong Martes sa Batangas dahil sa komplikasyon sa COVID-19. 

Ipina-cremate ang kaniyang mga labi ang magkakaroon ng lamay ngayong gabi.--FRJ, GMA News