Manipulated nga ba o talagang may kababalaghan sa video ni Stiffany Ramos na may nahuli-cam na isang kamay na maitim na tumapik sa kaniya habang naggigitara sa loob ng kanilang bahay?

Kuwento ni Stiffany sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," noon pa man ay may mga kakaibang nangyayari sa kanilang bahay na naitayo noong dekada 80's sa Marikina.

Dati raw mapuno at madamo sa kanilang lugar, at kinatatakutan dahil madilim at sinasabing pinagtatapunan ng mga bangkay.

Sa kanilang bahay, may mga bagay na nawawala at bigla na lang makikita sa isang lugar. May mga gamit din daw na biglang nakakalat.

Ang pinsan naman daw ni Stiffany, takot nang matulog sa kanilang sala dahil nakararanas doon ng bangungunot.

Ayon pa kay Stiffany, siya man ay nakararanas din ng bangungunot kung saan isang babae ang sumasakal sa kaniya.

Ang babae sa bangungunot, minsan na rin daw niyang nakitang nakaupo sa pasilyo ng kanilang bahay.

Hanggang sa mangyari na ang isang insidente at makuhanan ng video ang pagkalabit ng isang tila kamay na maitim habang naggigitara siya sa loob ng kaniyang kuwarto.

Pagtiyak ni Stiffany, mag-isa lang siya sa kuwarto nang mangyari ang insidente at hindi rin siya marunong gumawa ng manipulasyon sa video.

Para malaman kung ano ang nagpaparamdam sa bahay ni Stiffany, nagsagawa doon ng imbestigasyon ang paranormal researcher na si Ed Caluag.

At sa simula pa lang ng pagpasok sa bahay, nakaramdam na kaagad ng "mabigat" si Ed.

Bukod sa presensiya ng isang babae, mayroon din umanong mga "nilalang" na bata sa bahay at nai-record pa raw sa camera ang tila maliliit na boses.

Hanggang sa matukoy ni Ed kung sino ang "babae" na gumagambala kay Stiffany na pinaniniwalaang biktima ng krimen.

Alamin kung kilala ni Stiffany ang sinabing "babae" na gumagambala sa kaniya at ano ang masasabi ng mga eksperto tungkol sa video at sa mga tila tinig ng bata na nai-record. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News

Tags: