Matapos ang nakagigimbal na prank ni Simon Cowell noong Hunyo na kunwaring napana siya ni Sofia Vergara sa "America's Got Talent," naisagawa na rin ng huli ang tinawag niya "delicious" revenge.

Noong nakaraang Hunyo, kunwaring naging bahagi ng stunt act ng mga contestant na sina Ryan Stock at Amberlynn sina Sofia at Simon.

Piniringan o tinakpan ang mga mata ni Sofia at pinahawak sa pana na hindi niya alam na wala nang bala.

At sa halip na ang lobo sa ulo ni Simon ang tamaan, kunwaring si Simon mismo ang tinamaan ng pana sa dibdib at natumba.

BASAHIN: Simon Cowell, 'nadisgrasya' ni Sofia Vergara sa 'America's Got Talent'

Mula noon, sinabi ni Sofia na nag-isip na siya kung papaano makagaganti sa prank ni Simon.

Sa video ng AGT sa Youtube, ipinakita na naganap na ang hinihintay na pagkakataon ni Sofia nang gawan sila ng "bust" o rebulto na mula ulo hanggang balikat.

Ang mga bust ay kunwaring pasisinayan sa The Luxor Hotel sa Las Vegas at bisita ang AGT judges na si Sofia, Simon, Heidi Klum, Howie Mandel at host na si Terry Crews.

Ang hindi alam ni Simon, kinutsaba ni Sofia ang nagdesenyo ng bust at  ginawang katawa-tawa ang histura ng rebulto ni Simon na nakalabas ang mga ngipin.

Kasabwat din ni Sofia ang host programa, at kinausap na rin niya ang iba pang AGT judges at si Terry.

Nang makita ni Simon ang hitsura ng kaniyang bust, hindi niya mapigilan na matawa at nagbirong magbabayad sa gumawa kung aayusin lang ang kaniyang hitsura.

Sa huli, inamin ni Sofia kay Simon na prank lang ang lahat, at amanos o patas na raw sila matapos niyang makamit ang hindi lang sweet kung hindi delicious revenge.

Pero tapos na nga ba kay Simon ang lahat? Panoorin ang nakatutuwang video.

--FRJ, GMA News