Hindi nakapagsalita sa takot at gulat ang "America's Got Talent" judge na si Sofia Vergara dahil sa prank na ginawa sa kaniya ng kapwa judge na si Simon Cowell na kunwaring tinamaan ng pana.

Sa episode ng programa, muling nagbalik ang contestants na si Ryan Stock at Amberlynn Walker na kilala sa mapanganib na stunts.

Sa kanilang performance, gumamit ng crossbow o pana ang dalawa. Ang isang act, nagtakip sa mata si Amberlynn at inasinta ang lobo na nasa bibig ni Ryan.

Tagumpay naman na naisagawa ng dalawa ang mapanganib na stunt.

Kasunod nito ay hiniling ng dalawa na gawin nina Simon at Sofia ang naturang stunt.

Habang nakatakip ang mata ni Sofia, hindi nila alam na kinakabitan na si Simon ng bala ng pana na kunwaring tumama sa dibdib ng huli.

Tahimik naman ang audience upang hindi mahalata ni Sofia ang ginawa kay Simon.

At nang kalabitin ni Sofia ang pana na wala naman talagang bala, nagsigawan ang tao.

Si Sofia naman, inalis ang takip sa mata at naitulak pa si Amberlynn nang makitang nakahiga si Simon na may tama ng pana.

Tunghayan sa video ng "AGT" ang naging reaksiyon ni Sofia nang malaman na prank lang ang ginawa sa kaniya ni Simon. Panoorin.

--FRJ, GMA News