Nasagot na ang tanong ng marami kung ano ang mangyayari kay Nathaniel "Mang Tani" Cruz sa pagpasok ni Kuya Kim Atienza bilang bagong Kapuso.

Si Mang Tani ang resident weatherman at meteorologist ng GMA. Si Kuya Kim naman ang tagapaghatid ng ulat-panahon at dagdag-kaalaman sa dati niyang TV station.

Sa online interview ng media, sinabi ni Kuya Kim na hindi niya papalitan si Mang Tani sa "IMReady" weather forecast ng GMA News "24 Oras."

"I will not be doing weather because you have the best weatherman in the Philippines. You have Mang Tani," sabi ni Kuya Kim.

Napag-alaman na kasalukuyang nasa Australia si Mang Tani kasama ang kaniyang pamilya.

Gayunman, magkakaroon pa rin ng segment si Kuya Kim sa "24 Oras" para sa mga "information or trivia."

Mapapanood fin siya sa "Mars Pa More" at sa bagong programa na "Dapat Alam Mo."

Bilang pag-welcome naman kay Kuya Kim, nagbigay din ng video message sa kaniya si Mang Tani nitong Lunes.

"Hi, pwede na kitang tawagin ngayong Kapusong Kuya Kim. Welcome," ani Mang Tani.

"Natatandaan mo ba 'yung matagal na matagal na panahon na magsisimula ka sa bagong trabaho mo no'n at ako naman ay nasa PAGASA? Matagal na 'yon pero ngayon, magkakasama na tayong dalawa," sabi pa niya. —FRJ, GMA News