Iniurong ni Narvacan Mayor Luis 'Chavit' Singson ang kaniyang kandidatura sa pagka-vice governor ng Ilocos Sur, na makakalaban sana niya ang kaniyang anak sa Eleksyon 2022.

Nauna nang nakapaghain na ng kani-kanilang certificate of candidacy sina Chavit at anak na si Ryan Singson para sa vice governor ng lalawigan.

Si Ryan ang kasalukuyang gobernador ng lalawigan at nasa kaniyang huling termino na.

Sa pag-atras ng nakatatandang Singson, napag-alaman na iniurong din ng asawa ni Ryan na si Patch Savellano-Singson, ang kandidatura nito bilang gobernador, ang puwestong babakantihin ng kaniyang mister.

Sa pag-atras ni Patch, naiwasan naman ang banggaan nila ni Jerry Singson sa pagka-gobernador.

Si Jerry ay kapatid at running-mate ni Chavit.

"Masaya ako dahil maayos na si Gov. Ryan at Ronald. Kalimutan lahat for the sake of the family," ayon sa nakatatandang Singson sa Facebook post.

Kakandidato si Ronald, anak ni Chavit, sa pagka-kongresista.--FRJ, GMA News