Hindi naitago ng sexy comedienne na si Faye Lorenzo ang paghanga kay Bea Alonzo na magiging guest star nila ang aktres sa "Bubble Gang."

Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, masayang sinabi ni Faye na hindi lang niya nakita si Bea kung hindi naka-eksena pa niya.

"Sobrang na-starstruck po ako," saad niya.  "Kasi ang ganda po niya, tapos ang bait."

Inamin pa ni Faye na nagpa-picture pa siya kasama si Bea.

"Kasi idol ko rin po siya lalo na sa drama. Kaya sabi ko, 'Grabe makakatrabaho ko siya at makaka-eksena ko siya," kuwento pa ng sexy comedienne.

Kahit mas kilala si Bea sa drama, sinabi ni Faye na kayang-kaya rin ng bagong Kapuso ang comedy dahil sa sobrang husay ng aktres.

"Ang galing po kahit saan po siya ilagay kayang-kaya niya po," sabi ni Faye. "Kahit mahaba po yung script, kayang-kaya niya."

Ayon pa kay Faye, kahit ang co-star niya sa "Bubble Gang" na Betong Sumaya ay humanga rin kay Bea dahil hindi raw nagkamali at walang nakalimutan ang aktres kahit mahaba ng script nito.

Abangan kung kailan mapapanood ang pakiki-bubble ni Bea sa "Bubble Gang."-- FRJ, GMA News