Sa programang "Mars Pa More," tatlong pangalan ng Kapuso actor ang pinagpilian ni Klea Pineda kung sino sa kanila ang malapit sa katotohanan na na-link sa kaniya.

Sa listahan, nakasaad na: A) Jeric Gonzales, B) Jak Roberto, at C) Andre Paras.

Simple at natatawang "C" ang isinagot ni Klea, patungkol kay Andre.

"Wala nang explanation ok na 'yon ha," saad ng aktres. "Hindi na 'ko magpapaliwanag."

Pero nais pa rin ng mga host ng show na sina Camille Prats at Iya Villania na malaman kung bakit may kaunting katotohanan ang pagkaka-link niya kay Andre.

Paliwanag ni Klea, naging maganda ang friendship nila ni Andre at nagkakasundo sila sa maraming bagay.

"Pero nang napupunta na kami somewhere... na yung feelings namin sa isa't isa, nag-pause kami bigla eh," kuwento niya.

"Pero yung sa tatlong choices kanina siya yung pinaka-close sa akin, kami yung pinaka-close," dagdag pa ni Klea na tinawag na "muntikan lang" na naging sila. --FRJ, GMA News