Magkakasunod ang mga proyekto ni Sunshine Cruz sa kaniyang pagbabalik-Kapuso. Isa na rito ang pagbibidahan niyang GMA anthology na "Stories From the Heart: Love on Air."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Sunshine na dama niya ang mainit na pagtanggap ng Kapuso Network, na una niyang tahanan sa showbiz.

"I'm very, very grateful and blessed na lagi namang nandiyan ang GMA, welcoming me with open arms. Kasi sa hindi nakakaalam, I came from GMA, That's Entertainment, GMA Supershow, naging original cast ng Bubble Gang," sabi ni Sunshine.

Mapapanood na si Sunshine sa Sabado sa bagong dalawang part na episode ng Wish Ko Lang kung saan gaganap siya bilang isang selosa, pero mapagmahal na asawa.

Nasa hotel quarantine na si Sunshine para sa lock-in taping ng "Stories From the Heart: Love on Air."

Inihayag din ni Sunshine na magiging masaya ang Pasko niya kasama ang mga dalaga na niyang anak dahil sa dami ng trabaho.

Ikinatutuwa raw ni Sunshine na kumikita na ang kaniyang mga anak sa social media at gumagawa na sila ng commercials at gigs.

"Sabi ko nga, kaya ko pa namang magtrabaho para sa inyo. Ang gusto ko ang pera ninyo, ilagay ninyo sa bangko ninyo para naman sa susunod, if you want to buy your own car or if you want to buy your own property, at least magagamit niyo 'yan para sa future," sabi ni Sunshine. . —Jamil Santos/FRJ, GMA News