Ikinuwento ni Kuya Kim Atienza na na-bash siya noon sa maling sagot niya sa isang trivia contest tungkol sa isda.

Sa programang "Mars Pa More" na bahagi ngayon si Kuya Kim, ikinuwento niya na nangyari tungkol sa maling sagot niya sa isang kontes na sinalihan niya sa dati niyang TV station.

Ayon kay Kuya Kim, natanong siya kung ano ang pinakamalaking isda sa mundo. Kabilang daw sa pinagpilian ay blue whale, whale shark at isa pa.

Sa pagmamadali, blue whale ang naging sagot ni Kuya Kim.

"Nasabi ko blue whale. That's the biggest marine mammal," saad niya. "The biggest fish is whale shark...mali."

Hanggang ngayon, sinabi ni Kuya Kim na nasa internet pa rin ang naturang maling sagot niya.

"Kapag binasa mo sa internet hanggang ngayon bina-bash pa rin ako sa pagkakamali na 'yan," pahayag ni Kuya Kim.

Ayon kay Camille Prats na co-hosts niya sa programa, nagpapakita lang na wala naman talagang perpektong tao, na inayunan ni Kuya Kim ay sinabing tao lang siya.

Sabi naman ng isa pa nilang co-host na si Iya Villania, iyon ang mahirap sa pagiging isang Kuya Kim dahil inaasahan ng mga tao na alam niya lahat.

Simula ngayong Lunes, magiging bahagi na ng "Mars Pa More" si Kuya Kim para maging kinatawan ng mga "Pars."-- FRJ, GMA News