Lamon kung lamon daw noon ang ginagawa ni Pastora Alyssa Sia kaya lumobo ang timbang niya sa 360 pounds. Pero nang minsan tuksuhin na siya na parang si "Godzilla" ang katawan, doon na siya nagpursige na magbawas ng timbang na ngayon ay 175 pounds na lang. Paano niya  ito nagawa? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Pastora Alyssa na wala siyang inaatrasan noon sa pagkain. Kahit pa fastfood, matatamis, kanin, o ano pa ay hindi niya tinatanggihan.

"Lamon talaga kung lamon," saad niya. "Ang tawag nga minsan sa akin ng mga friends ko para akong kargador kumain."

Pero wala raw siyang paki sa mga sinasabi ng mga kaibigan basta siya...kumakain at masaya.

Sa pagbigat ng kaniyang timbang, aminado si Pastora Alyssa na naging mahirap na para sa kaniya na gawin ang maraming bagay.

Kahit ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, nagiging isyu na sa kaniya. Kung minsan, ang sinasabing sampuan ang sakay, nagiging walohan na lang kapag pasahero siya.

Nakatatanggap din siya ng masasakit na salita.

"Para ka nang si Godzilla," ayon kay Pastora. "Dati baboy lang, balyena, pero ito kay Godzilla ka kinompare [compare]."

Matagal na rin naman daw niyang pinag-iisipan na magbawas ng timbang. At sa pagpasok nitong 2021,  kinarir na niya.

"Nagulat ako one time hindi na 'ko nagugutom," pahayag niya at sinamantala na raw niya ito. Nagpasya siyang kakain lang kapag nakaramdam ng gutom.

Sa isang araw, kung minsan ay itlog at gulay lang daw ang kaniyang kinakain.

At pagkaraan ng dalawang buwan,  nabawasan kaagad ng 60 pounds ang kaniyang timbang.

Subalit nagkaroon siya ng problema sa kalusugan nang tipirin ang sarili sa pagkain at sumabak sa "crash diet."

Nanghina siya at nang magpasuri siya sa duktor ay lumitaw na bumaba ang kaniyang potassium na peligroso umano sa kaniyang kalusugan.

Dahil dito, natutunan ni Pastora Alyssa na balansehan ang diet at pag-e-ehersiyo upang patuloy na magbawas ng timbang, na ngayon ay 175 pounds na lang.

Pero paano nga ba nagawa ni Pastora Alyssa na mabawasan ng kalahati ang kaniyang dating timbang? Panoorin at ma-inspire sa kaniyang fitspiration journey sa video ng ito ng "Pinoy MD.|

--FRJ, GMA News