Isang lalaki mula sa San Carlos City, Pangasinan ang masuwerteng nakasolo ng mahigit P125.6 milyon jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw noong November 4, 2021. Samantala, wala pa ring nanalo sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Martes, Nobyembre 23, 2021.

Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing kawani ng gobyerno ang nanalo ng P125.6 milyon sa lotto 6/49 matapos na tamaan niya ang lumabas na kombinasyon ng mga numero na 05-03-10-17-43-49, noong Nov.4.

Kuwento umano ng lalaki, mayroon siyang partikular na mga numero na laging tinatayaan. Pero naging masuwerte siya sa ginawang pagtaya sa pamamagitan ng lucky picked combination.

Gagamitin daw niya ang napanalunan para makatulong at magtayo ng negosyo, kabilang ang sarili niyang lotto outlet.

P360-M ng Ultra Lotto, walang tumama

Samantala, wala pa ring nanalo sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Martes, Nobyembre 23, 2021.

Ang lumabas na mga numero ay 58-19-35-46-30-10, at may kabuuang premyo na P360.984 milyon.

Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang mga lumabas na numero ay 30-13-49-45-37-46, at ang premyo ay P22.725 milyon.

Sa isa pang draw na Lotto 6/42, wala ring sinuwerteng mananaya na nakatumbok ng mga numerong 35-19-36-40-04-24, na ang premyo naman ay P12.323 milyon. --FRJ, GMA News