Itinuturing ng food vlogger na si Ninong Ry o Ryan Reyes, na isang matinding pagsubok sa buhay niya ang insidenteng nasunog ang mukha niya matapos masabugan ng oven. Sa nangyaring aksidente, isang guro ang nagsangla ng relo para maibili siya ng gamot.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," ipinakita ni Ryan ang video nang nangyaring insidente noong 2017 habang dumadalo siya sa isang breadmaking workshop.

KILALANIN: 'Ninong Ry,' negosyanteng chef na naging vlogger dahil sa pandemic

Nagulat ang host ng programa na si Jessica nang makita na na-direct hit ng sumambulat na apoy si Ryan.

Nagtamo ng second degree burn sa mukha at braso si Ryan, may third degree burn siya sa labi.

Nang usugod siya sa pagamutan, wala silang dalang pera at ang guro na si Cecille ang kanilang kasama.

Upang makabili ng gamot, nakiusap si titser Cecille na iiwan niya sa botika ang kaniyang relo na may sentimental value kapalit ng gamot na kailangan ni Ryan.

Labis naman ang pasasalamat ni titser Cecille dahil pumayag ang kahera kaya naibili niya ng gamot si Ninong Ry.

Mula nang lumabas ng ospital, napag-alaman na hindi na nakita ni Ninong Ry si titser Cecille.

Kaya laking gulat niya nang magbigay ng video message sa kaniya si titser Cecille. Ngunit ang hindi alam ni Ninoy Ry, personal  din siyang pupuntahan ng guro na nagsangla ng relo alang-alang sa kaniya.

Tunghayan sa "KMJS" ang muling pagkikita ng dalawa, at alamin kung nakuha ba uli ni titser Cecille ang relong isinangla niya na may sentimental value sa kaniya?

Panoorin ang video at matakam na rin sa mga putaheng inihanda ni Ninong Ry para kay Jessica.

--FRJ, GMA News