Aminado si Kris Bernal na matagal na niyang hindi nakakausap ang dating ka-love team na si Aljur Abrenica.

Sa pagbisita ni Kris sa "The Boobay and Tekla Show," sinabi ng aktres na hindi niya rin naimbitahan si Aljur sa kasal ni Perry Choi noong Setyembre dahil limitado lang ang bisita dahil sa COVID-19 pandemic.

Pero kahit kasal na, natatawang nasambit ni Kris na hindi pa rin sila nagsasama sa iisang bubong ng kaniyang mister dahil sa trabaho.

Nagpapasalamat ang aktres sa pagdating ni Perry sa buhay niya dahil na rin sa mga pinagdaanan niyang pagsubok sa mga bigong relasyon.

Naniniwala si Kris na si Perry ang sadyang ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos.

Samantala, matipid naman ang sagot ni Kris patungkol sa paghihiwalay ng mag-asawang sina Kylie Padilla at Aljur, na dati niyang ka-love team.

Ayon sa aktres, nakita niya noon kung gaano kamahal nina Kylie at Aljur ang isa't isa.

Kahit kasi magka-love team sila ni Aljur, nobya ng aktor si Kylie nang mga panahong iyon.

"Pero siyempre may mga bagay na hindi rin natin alam, na hindi nila sinasabi, they want to keep to themselves, siyempre ako respeto ko 'yon sa kanila," pahayag niya.

Nang tanungin kung ano ang puwede niyang mensahe kay Aljur, sabi ni Kris, "As always thank you. Kasi hindi naman natin maabot ang estado sa career natin kung hindi natin pinagbutihan ang trabaho natin as a love team."

"Ipagdasal natin lahat. Ask for God's guidance kung saan ka dapat at ano ang para sa iyo," dagdag pa ni Kris na sinabing napakabait na tao si Aljur.

--FRJ, GMA News