Pinangalanan ni John Lloyd Cruz kung sino para sa kaniya ang aktres na maituturing na "ultimate leading lady" ng kaniyang henerasyon.

"Mahirap sigurong magsabi ng isang pangalan when you say 'ultimate leading lady.' Lahat sila ay may angking husay, talino at galing," sabi ni John Lloyd sa panayam sa kaniya ni Lhar Santiago sa Unang Hirit.

Mahirap man na magbanggit ng pangalan, pinuri naman ni John Lloyd si Miles Ocampo, na co-star niya sa inaabangang Kapuso sitcom na "Happy ToGetHer."

"Tingin ko ang talagang ultimate leading lady ngayon si Miles Ocampo eh. Tingin ko, pag-aagawan ng mga ultimate leading men sa kanilang generation," ani John Lloyd.

Gaganap si John Lloyd bilang si Julian, isang "all around" na mekaniko at welder sa car shop na setting ng kuwento.

Bukod dito, charming at matinik din sa mga babae si Julian.

Samantala, magiging busy rin si John Lloyd bilang mismong producer ng programa.

"Mas nakikita ko how to really put up a show, kumbaga 'yung 'innards' nu'ng proseso, parang mas naging up-close 'yung aking pag-witness. And mas naa-appreciate mo 'yung hard work ng bawat isa."

Mapapanood na ang "Happy ToGetHer" sa darating na Disyembre 26. -- FRJ, GMA News