Nagbigay ng ilang pampasuwerte tips ang isang feng shui consultant para sa darating na 2022 na Year of the Tiger.

Sa programang "Unang Hirit" nitong Lunes, sinabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua, na dahil sa Year of Tiger ang 2022, maganda na maglagay sa bahay ng mga pigura o larawan ng maamo o masayahing tigre.

Mas maganda kung nakabuka ang bibig ng tigre at huwag ilagay ang tigre na mukhang matapang o mabangis.

Dahil may elemento ng energy ng "metal" at "earth" ang 2022, sinabi ni Chua, na para lumakas pa ang prosperity ay maganda rin maglagay ng metal ornaments gaya ng sculpture na gawa sa bakal, o mga palamuting kulay ginto o silver.

Maganda raw ang mga bilog na pigura dahil simbulo ng metal ang bilog.

Sa likod ng main door, malagay umano ng siyam na ampao o pulang sobre. Ilalagay sa mga sobre ang hinihiling sa 2022 at saka ito ididikit sa likod ng pinto.

Mas mabuti umanong idikit ang mga sobre sa ayos na tila diamond dahil simbulo umano ng "fire" ang diamond na pang-attract ng prosperity.

Kahit nakamit na ang hiling, puwedeng iwan lang sa pinto ang ampao para palitan naman sa susunod na taon.

Sa bedroom, puwedeng ang lucky color na yellow at white ang gamitin sa bed sheet, punda o kurtina. --FRJ, GMA News