Mula nang isilang, hindi nakagisnan ni Grace Ann Diño ang kaniyang ama na nagpaalam lang noon na uuwi sa mga magulang. At kahit lumaki ang dalaga na may sama ng loob, mas nangibabaw ang pangungulila at hangaring makilala at mayakap ang ama, na hiling niyang mangyari sana sa kaniyang 18th birthday.

Sa video ng GMA Public Affairs Exclusives, ikinuwento ng ina ni Grace na si Mary Ann, na buntis siya noon nang umalis ang kaniyang nobyo na si Derby Penson.

"Umalis siya para kausapin ang kaniyang magulang, para sunduin at magtapat. Kaso hanggang sa mailabas ko na siya [Grace] naghintay kami ng isang taon o higit, hindi siya dumating," ayon kay Mary.

Ayon kay Grace, marami siyang tanong na hindi masagot ng kaniyang ina at mga kaanak.

At dahil hiniling ni Grace na makilala sana ang kaniyang ama, sinubukan ng kaniyang tita na hanapin si Derby sa tulong ng social media at hindi siya nabigo.

Natunton ang ama ni Grace na nananatiling walang pamilya sa New Lucena sa Iloilo.

Kuwento ni Derby, batid niya na buntis noon ang kaniyang nobya nang umalis siya ng Batangas, at nagtungo sa Iloilo para puntahan ang kaniyang mga magulang.

"Noong umuwi ako rito sa Iloilo, gulong-gulo na talaga yung isip ko. Kasi pagdating ko rito sa hirap naman ng buhay sa probinsiya nakita ko yung sitwasyon dito," saad niya.

Inilihim raw niya sa mga kaanak ang pagbubuntis noon ng nobya dahil na rin sa kahirapan nila.

Pero kahit nawalan siya ng komunikasyon sa kaniyang mag-ina, hindi raw nawala sa isip niya ang mga ito.

Kaya naman hindi maunawaan ni Derby ang naramdaman nang malaman niyang gusto siyang makilala ng anak.

"Parang sasabog yung dibdib ko. Hindi ko alam kung sisihin ko sarili ko, hindi ko alam ang sasabihin ko sa kaniya. Hiyang hiya talaga ako sa sarili ko," aniya.

At nang dumating ang araw ng selebrasyon sa ika-18 taon na kaarawan ni Grace,  isang sorpresa ang naghihintay sa kaniya all the way from Iloilo.

Tunghayan sa video ang madamdaming pagkikita ng mag-ama sa kauna-unahang pagkakataon. Panoorin.

--FRJ, GMA News