Matapos ang isang taong relasyon ng isang lesbian at isang gay couple, nagpasya ang dalawa na magpakasal na sa Vintar, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Trace de Leon sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, ipinakilala ang bagong kasal na sina RB, 23-anyos at Jacky, 18-anyos.

Si RB o Rose Bella ay babae nang isilang pero naging pusong lalaki nang siya ay lumaki. Lalaki naman nang ipanganak si Jake o Jacky, pero may pusong babae.

Hiling nila na lalo pang madagdagan ang kanilang pagmamahalan sa isa't isa ngayong mag-asawa na sila.

Hindi raw naging madali ang kanilang pagsasama pero naniniwala silang malalampasan nila ito.

"Sana 'wag mong pakinggan yung sinasabi ng ibang tao sa atin, bagkos ang isipin mo ako at yung desisyon natin sa isa't isa, and of cource tiwala at respeto," mensahe ni Jacky kay RB.

Nais din ng bagong kasal na magsilbi silang inspirasyon sa iba pang miyembro ng LGBTQ community pagdating sa pagmamahalan.--FRJ, GMA News