Dahil sa kuwento ng isang guest sa "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" tungkol sa pumanaw na asawa, nanumbalik ang kalungkutan ni Allan K nang maalala naman ang namayapang mga kapatid.

Kabilang sa mga guest sa "Bawal Judgmental" si Cristy, isang ginang na maagang nabiyuda. Pumanaw ang kaniyang kabiyak nang hindi man lang nakita ang kanilang unang anak.

Tatlong linggo pa lang ang nakararaan nang isilang ni Cristy ang kanilang anak na isinunod niya sa pangalan ng kaniyang namayapang mister.

Nang tanungin ng "EB" dabarkads kung ano ang nais sabihin ni Cristy sa kaniyang namayapan mister, sinabi ng ginang na, "Thank you kaso sobrang ikli [ng ating pagsasama] iniwanan mo pa rin ako ng kapalit."

Sabi pa niya, "Mahirap pero kinakaya naman. Miss na kita. Kahit man lang sa panaginip magpakita ka."

Sa naturang pahayag ni Cristy nagsimula nang maging emosyonal si Allan hanggang sa tuluyan nang bumuhos ang kaniyang luha.

Ayon kay Allan, hindi niya napigilan ang kaniyang damdamin dahil ang sinabi umano ni Cristy ay sinasabi niya raw sa kaniyang mga pumanaw na kapatid.

"Kasi 'yan din sinabi ko sa mga kapatid ko eh., yung mga kapatid kong nawala na," saad niya.

"Kasi nga 'di ba hindi ko sila nakita kasi sinunog [cremate sila]. Sabi ko, hindi man lang tayo nag-usap-usap. Kausapin niyo naman ako. Kahit sa panaginip lang makita kayo," patuloy niya.

Pumanaw ang mga kapatid ni Allan sa panahon ng kasagsagan ng COVID-19 pandemic. (READ: Allan K reveals he was admitted to ICU due to COVID-19).

--FRJ, GMA News