Isang 42-anyos na babae Marikina ang kumobra sa mahigit P29 milyon na premyo sa Super Lotto 6/49 draw noong Pebrero 6, 2022. Habang isang factory worker naman sa Laguna ang nag-uwi ng mahigit P49 milyon na premyo sa 6/42 Lotto draw noong Pebrero 5, 2022.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabi ng babaeng bagong milyonaryo na lucky pick ang ginawa niyang pagpili sa tinayaan niya sa isang lotto outlet sa Malanday, Marikina.

“Noong pinacheck ko po ang lotto ticket sinabi ng teller na ako daw ang nanalo. Nung una parang normal lang po sa pakiramdam dahil sanay naman ako na manalo ng consolation prizes," saad niya.

"Nagulat ako noong napagtanto kong na jackpot pala ung napanalunan ko. Solve lahat ng problema,” patuloy niya.

May kabuuang P29,073,809.20 ang naging jackpot prize sa naturang Super Lotto 6/49 draw noong Feb. 6, at ang winning combination ay 36-29-35-16-03-17.

Kombinasyon ng mga birthdate

Samantala, kombinasyon naman ng petsa ng kaarawan ng mga magulang at kapatid ang nagbigay ng suwerte sa isang factory worker na mula sa Bay, Laguna.

Nakuha niya ang lumabas na kombinasyon na 30-20-15-09-23-22 sa 6/42 Lotto draw noong Feb. 5, na may kabuuang premyo na P49,813,434.40.

“Speechless po talaga ako, noong sabihin ng teller nananalo ako ng jackpot," ayon sa factory worker sa hiwalay na pahayag ng PCSO.

Wala pa raw maisip ang lalaki kung saan gagamitin ang pera kaya ilalagay niya muna ito sa bangko.

Sa mga lotto draw na ginawa nitong Martes, Feb. 22, walang mapalad na nanalo:

  • Ultra Lotto 6/58/     42-13-25-50-34-30/   P49,500,000.00
  • Superlotto 6/49/      36-08-49-47-39-24/  P22,608,529.60
  • Lotto 6/42/                13-03-06-30-21-19/   P24,425,273.40

 

--FRJ, GMA News