Patay ang isang taxi driver matapos siyang holdapin at saksakin ng salarin na nagpanggap na pasahero sa Cebu City. Ang salarin, nahuli nang makulong siya sa loob ng taxi dahil ini-lock ng biktima ang mga pintuan ng sasakyan.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Edelberto Manulat, 35-anyos, residente ng Danao sa Cebu.

Nakakulong naman ang suspek na umamin sa ginawang krimen na si Albert Toregoza.

Nangyari ang insidente noong Pebrero 22 nang madalaing araw sa Barangay Apas sa Cebu City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na tinangay ni Toregoza ang P1,400 na kita sa pamamasada ni Manulat, at sinaksak niya ng dalawang beses ang biktima.

Kahit sugatan, nagawa ni Manulat na pindutin ang central lock ng sasakyan kaya hindi nakalabas ng taxi si Toregoza hanggang sa dumating ang mga rumespondeng tanod ng barangay.

Naabutan sa loob ng taxi si Toregoza kasama ang duguang biktima na kinalaunan ay binawian ng buhay.

Nagsisisi umano si Toregoza sa kaniyang ginawa at umamin din siya na gumagamit ng ilegal na droga.

--FRJ, GMA News