Sa loob ng dalawang araw, dalawang mananaya ang magkasunod na naging milyonaryo matapos manalo sa magkahiwalay na draw ng Lotto 6/42 at Megalotto 6/45.

Sa Lotto 6/42 draw nitong Huwebes, Pebrero 24, nakasaad sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na isang mananaya ang nanalo ng mahigit P28 milyon na jackpot prize nang tamaan niya ang winning combination na 12-29-15-03-06-20.

Samantalang sa Megalotto 6/45 draw nitong Biyernes, Pebrero 25, isa na namang mananaya ang nakatama sa winning combination na 06-22-23-41-36-21, at may premyong mahigit P10 milyon.

Wala namang tumama sa kasabay nitong draw na Ultra Lotto 6/58, na may jackpot prize na mahigit P49 milyon, at ang lumabas na winning combination ay 56-16-18-30-42-41.

Kamakailan lang, isang factory worker na mula sa Bay, Laguna ang naging milyonaryo rin nang tamaan niya ang lumabas na kombinasyon na 30-20-15-09-23-22 sa 6/42 Lotto draw noong Feb. 5.

Umabot sa mahigit P49 na milyon ang kaniyang napanalunan.

Ayon sa nanalo, kombinasyon ng petsa ng kaarawan ng mga magulang at kapatid ang nagbigay sa kaniya ng suwerte.

--FRJ, GMA News