Inihayag ni Zoren Legaspi na hindi pa siya handang pumasok sa relasyon ang kaniyang kambal na anak na sina Mavy at Cassy. May payo rin siya sa mga kabataan patungkol sa pagpasok sa relasyon.

Sa latest vlog ng asawa niyang si Carmina Villaroel, sinagot ni Zoren ang ilang katanungan ng kanilang followers.

Binanggit din ni Carmina na nauugnay si Mavy kay Kyline Alcantara, habang si Cassy naman ay nauugnay kay Darren Espanto.

"Hindi nga?" tugon ni Zoren. "Kailangan baguhin mo 'yung kultura."

"Kasi 'yung kultura 'ang nag-develop ng ganiyan eh... 'yung prom prom na ‘yan, kunwari may prom date tapos 'yung mga prom na 'yan, junior prom, that’s the start. Alam kong may magre-react, but it’s the culture," paliwanag niya.

"Para sa akin kasi why push them these things about relationships at a very young age? Kasi marami kang puwede i-push sa kanila at a different angle," dagdag pa ni Zoren.

"They say 20 na sila, 21, who said na matanda na ang 21 to have a relationship or that’s the right age to have a relationship? There’s no such thing," giit pa niya. "The later you have a relationship, the better."

"25 ka, 26, you're still single doesn't mean you have a lonely heart. It’s better because hindi 'yan ang priority actually sa buhay," paliwanag ni Zoren.

Ayon pa sa aktor, hindi dapat ma-pressure ang mga kabataan na pumasok sa relasyon, at sa halip ay mas mabuting mahalin ang kanilang pamilya.

"Nowadays, nakikita ko sa TikTok or mga bagets diyan lagi sinasabi ‘Buti ka pa, kami wala pang jowa.' 15, 16, 17 [years old] who cares kung wala? Ibigin mo nanay mo, ibigin mo tatay mo, ibigin mo kapatid mo. There’s so many things to do," payo niya.

Dagdag pa ni Zoren, dapat ding matuto ang mga kabataan na paghandaan ang kanilang hinaharap.

--FRJ, GMA News