Mismong si Andrea Torres ang nagbasa ng mga masasakit na komento tungkol sa kaniya ng "netizens." May tumawag sa kaniyang mukhang lola, impakta, mukhang lantay gulay at iba pa. Kayanin kaya ito ng Kapuso actress?

Sa muling pagbisita ni Andrea sa programang "The Boobay And Tekla Show," isinalang ang aktres sa segment na "Ang Harsh!"

Dito ay binasa ni Andrea ang mga masasakit na komento sa kaniya ng "netizens."

Ang isa, sinabing mukhang lola si Andrea at  tungkod na lang ang kulang.

"Na-curious ako kung saan 'to? Bakit kaya ako nasabihang mukha na raw akong lola?," tugon ni Andrea.

"Pero Ok lang, old school naman talaga akong tao," pakli pa niya.

Ang isang nagkomento, sinabihan si Andrea na mukhang kinakabag.

May nagsabi rin na kung siya ang ex-boyfriend ni Andrea ay talagang iiwan daw niya ang aktres dahil mukha raw lantang gulay.

Napatanong si Andrea sa mga host ng show kung ano ang ibig sabihin kapag sinabihan na "lantang gulay." 

Tugon naman sa kaniya ng mga host, puwedeng walang kalatoy-latoy o boring.

Ang isa pang binasang komento ni Andrea, sinabing nasusuka siya at umiinit ang dugo kapag nakikita raw sa TV ang "impaktang" aktres.

May humirit din na puro lang daw katawan si Andrea pero "walang talent, walang jowa, walang career, in short wala siyang kuwentang tao."

Nang tanungin si Andrea kung ano ang masasabi niya sa masasakit na komento, sinabi ng aktres na noong bago pa lang siya, umiiyak siya kapag nakakabasa ng mga katulad na komento.

"Noong bago pa lang ako sobrang iniiyak ko. Ngayon parang wala nang effect," saad niya. "Saka 'pag kilala mo sarili mo, parang hindi ka mabilis tablan ng mga ganito. Tatawanan mo na lang."

Dito na sinabi ng mga host ng programa na huwag nang damdamin ni Andrea ang mga nabasang komento dahil isa lang itong "prank" sa kaniya.

Ibig sabihin, hindi totoo at gawa-gawa lang ng show ang mga masasakit na komento.

Natawa si Andrea nang malaman na na-prank siya at naalala niya na kaya pala kakaiba ang pangalan ng mga kunwaring netizen na katulad ng "mabangong kilikili," "grilledpork," "ganda lang" at "katok24."

Nang tanungin muli si Andrea kung anong naramdaman mga komento, sabi ng aktres, "Parang wala lang. Naaliw lang ako."

"Pero siyempre mapapaisip ka rin, 'Saan kaya nila ako napanood nung time na 'yon? [para sabihan siya nang ganung komento]," dagdag pa ni Andrea na tawa pa rin nang tawa.

--FRJ, GMA News