Parang "prank" pero totohanang sinampal nang malakas ng Hollywood actor na si Will Smith habang nasa stage ang komedyanteng si Chris Rock na presenter sa Oscars ceremony.

Bago ang pananampal, binati ni Chris ang asawa ni Will na si Jada, na walang buhok.

"Jada I love you. 'GI Jane 2' can't wait to see you," sabi ni Chris, patungkol sa Hollywood movie na pinagbidahan noon ni Demi Moore na nagpaahit din ng buhok para sa role ng isang sundalo.

Sa video, makikita pa si Will na tumatawa. Pero maya-maya lang, lumapit na ang aktor sa komedyante at sinampal siya.

Pagbalik ni Will sa upuan, nagpaliwanag si Chris na nag-joke lang siya kay Jeda.

Pero pasigaw na sagot sa kaniya ni Will na may kasamang mura, "Keep my wife's name out of your fucking mouth!"

Sa kabila nang nangyari, ipinagpatuloy ni Chris ang kaniyang pagiging presenter.

"That was the greatest night in the history of television," biro ni Chris.

Taong 2018 nang ianunsiyo ni Jada sa publiko na mayroong siyang alopecia, isang autoimmune  condition na nagiging sanhi ng pagkalagas at pagkakaroon ng bald spot sa ulo.

Kabilang si Will sa mga nominado bilang Best actor at kinalaunan ay nanalo para sa kaniyang pagganap bilang si Richard Williams sa critically-acclaimed film na "King Richard." --Reuters/FRJ, GMA News