Nahuli-cam ang nakakikilabot na pagkahulog ng isang babae sa pagitan ng umaandar na tren at ng platform sa Argentina. Pero ang babae, himalang nabuhay at walang matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita sa kuha ng CCTV camera sa train station sa Gonzales, Catan, Argentina, ang babae na kinilala lang sa pangalang "Candela," habang nasa platform.

Pero kapansin-pansin na tila pasuray-suray siya sa paglalakad hanggang sa mawalan ng balanse at matumba.

Eksaktong dumating naman ang tren at nahulog si Candela sa pagitan ng dalawang bagon. Nakita pang patiwarik siyang napagitna sa tren at platform hanggang sa tuluyan na nawala na sa camera.

Ang mga tao na nasa platform, napaatras at mababakas ang sindak sa nasaksihan nilang trahediya.

Nang dumating na ang mga emergency responder at guwardiya sa train station upang alamin ang kalagayan ni Candela, nakita nilang buhay ito at walang malalang sugat na tinamo.

Pinahiga muna siya sa platform hanggang sa dumating na ang ambulansiyang magdadala sa kaniya sa ospital

Ayon sa mga awtoridad, ligtas na ang babae at nagtamo lang ng minor injuries at trauma.

Bumagsak umano ang kaniyang blood pressure kaya siya nahilo at hinimatay.

Wala na raw siyang maalala nang matumba at hindi niya rin malaman kung papaano siya nakaligtas. --FRJ, GMA News