Pinabulaanan ni Sandro Muhlach ang alegasyong kumakalat sa social media na hindi umano tumupad ang ama niyang si Niño Muhlach na sasagutin ang mga gastusin sa naaksidente nitong motorcycle rider noong nakaraang buwan.
Sa kaniyang guesting sa KALURKS! ng GTV, hiningan si Sandro ng komento tungkol sa aksidenteng kinasangkutan ng kaniyang ama nitong Agosto sa Antipolo City, Rizal.
“Kasi nu’ng nangyari 'yung issue na 'yun, 'yung bangga, ako 'yung unang-unang tinawagan ng dad ko. So, sumugod ako mismo du’n sa accident site. Then, ako mismo personally, for two days, inasikaso ko 'yung family ng nabangga niya. Ako mismo, nakikipag-usap ako, nakikipag-settle with them,” paglalahad niya.
Matapos ang aksidente, ang pamilya nina Sandro ang sumagot sa pagpapaospital ng mga nadamay.
“‘Yung nangyayari kasi niyan, ‘di ko alam bakit pa nag-iingay sa social media. Pero 'yung lahat ng hospital fees, private pa nga 'yung hospital, hindi pa public hospital. So nagbayad kami ng P116,000 sa hospital. Tapos sabihin napabayaan. So ‘di ko rin gets,” depensa niya.
Ayon kay Sandro, may hinihinging kapalit ang naaksidenteng rider bukod sa pagpapagamot.
“Kasi sila din may mali eh. Gusto nila mapalitan 'yung motor. Pero unang una, hindi nila mapakita 'yung mga papeles na kailangan. Like 'yung mga insurance and everything. Wala silang ganu’n,” anang aktor.
Para sa kanilang pamilya, pinagtuunan nila ng pansin ang pagpapagaling ng rider, kaysa sasakyan nito.
“Tsaka ito pa, kasi kakalabas lang niya ng hospital, siyempre hindi pa siya magaling. Gusto niya na agad ng motor. So, ang focus namin is, siyempre, 'yung mapagaling muna siya. Siyempre, tao 'yun eh,” paliwanag ng aktor.
Matapos nito, humingi rin ng paumanhin ang rider.
“Yeah, he did apologize sa Facebook. Pero 'yung stepmom ko, she's not satisfied and everything. Yeah, kasi nasiraan pa rin,” sabi ni Sandro.
Na-trauma ang ama
Ibinahagi ni Sandro na nagkaroon din ng trauma ang amang si Niño matapos ang insidente.
“He's doing good. Pero siyempre, may trauma pa rin siya with everything. So, hindi niya kaya…” ani Sandro.
Matapos ang aksidente, matatandaang pinadalhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) at sinuspinde ang lisensiya sa pagmamaneho ni Niño.
Batay sa pahayag ng LTO, hindi binanggit ang pangalan ni Niño, pero binanggit nito ang katagang “aktor” na naaksidente sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal.
Nangyari ang insidente noong Agosto kung saan ilang tindahan ang nabangga ng minamanehong Sports Utility Vehicle ni Niño. Isang lalaki ang nasugatan sa insidente, at isang motorsiklo rin ang napinsala.
Inihayag din ng LTO ang inilabas na pahayag ng aktor kung saan inamin ni Niño na nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa pagod kaya nangyari ang insidente. Inako niya ang responsibilidad at pananagutan sa nangyari. – FRJ GMA News
