Isa si Zorayda Sanchez sa mga pinakasikat na komedyante noong dekada 80 hanggang 90, lalo na nang bumida siya sa pelikulang “Humanap Ka Ng Panget.” Bukod dito, nabanggit din siya sa kanta ni Andrew E. na may kaparehong titulo. Ano kaya ang saloobin ng kaniyang anak na si Alexis na nabansagang “pangit” ang kaniyang ina? Alamin.
Sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” inilahad ni Dr. Alexis Sanchez, ang kaisa-isang anak ni Zorayda, na nasaksihan din niya noon ang naging pagpuna ng mga tao sa “kakaibang” hitsura ng kaniyang ina.
“Kasi during that time, 90s, early 2000, uso eh. ‘Yung parang when you are not traditionally beautiful, meron talaga ikaw maririnig,” sabi ni Alexis.
Patuloy pa niya, “Kapag sumasakay siya ng jeep, kasama na ako roon. Kapag pumipila kami sa mga terminal, meron ka mga maririnig na comments, na ‘Totoo palang pangit or totoo palang…’ Yeah, something like that. She would hear those and no reaction talaga.”
Pagbahagi pa ni Alexis, madalas din matukso noon ang kaniyang ina habang nasa kolehiyo ito.
“From my ninang, ‘yung mga friends niya, I heard stories na nu’ng college daw siya, tinutukso siya because of the way she looks. Parang tinatawag siyang aswang,” saad niya.
Aminado si Alexis na noong bata siya, nasasaktan siya kapag naririnig na nilalait ang kaniyang ina.
“When I was growing up siguro, nu’ng younger pa ako, I would feel a little discomfort. Kasi normal naman eh sa bata. Kung nag-iisang magulang mo, marinig mo na kinukutya,” ani Alexis.
Hindi rin niya malilimutan ang masasakit na komento ng ilan na nagtatanong na bakit umano “pinatulan” si Zorayda ng kaniyang ama.
“Maybe that's the most hurtful siguro kasi never really knew the man. I think in some write-ups nabasa ko rin, they're comparing their looks from rumors na how can Zorayda Sanchez end up with this man. Because apparently he's also some kind of an actor, maybe, like a stuntman,” patuloy niya.
Hindi raw nakita ni Alexis ang kaniyang ama.
“Masakit sa akin for my mom because ayoko naman i-compare siya to my other parent who is not physically present during my time growing up,” sabi ni Alexis.
Humanap Ka ng Panget
Ayon kay Alexis, napanood niya ang pelikula kung saan tampok si Zorayda na “Humanap Ka ng Panget.”
“I think it's one of her most famous movies din po eh, ‘yung Humanap Ka ng Panget. And not only was she casted because of her physical attributes dun sa movie, but she's also mentioned in the lyrics of the song, I think, na referring to her as the... ‘pangit,’” paliwanag niya.
Binabansagan mang “pangit,” proud si Alexis sa kaniyang ina.
“I actually feel happy about it because that's something that would make people remember her up to this time,” paliwanag niya.
Hindi na rin problema ngayon kay Alexis ang bansag na “pangit” kay Zorayda.
“Wala namang problema sa akin. Especially nowadays, ma'am, parang the idea of a traditional beauty nag-evolve na rin po. Maybe during her time, noong mga 80s, 90s, meron talagang pretty face and not so pretty face. Conventional and not so conventional. But this time, I don't think it matters that much ‘yung itsura ng isang tao,” sabi pa niya.
Mabait maka-Diyos
Ipinagmamalaki ni Alexis ang kabutihang-loob ng kaniyang ina sa likod ng camera.
“Alam naman ng lahat na she got the comedic roles because of her physical attributes po eh. Pero, more than that, ang sinasabi nila lagi sa akin is, ‘Mommy mo napaka-simple, Mommy mo napakabait, napaka-maka-Diyos.’ So, I hear positive remarks po growing up,” ayon kay Alexis.
Hindi rin malilimutan ni Alexis ang kabutihan ng ina sa ibang tao.
“Wala po akong narinig na sinabing medyo nagsuplada or nagmaldita si Zorayda sa kanila. All of those people who supported her since the beginning talaga sa showbiz would say na she's very kind,” patuloy niya.
Kalaunan, nasanay rin si Alexis, at ipinagmamalaki pa ang inang si Zorayda maging sa kaanyuan nito.
“It was perfectly explained to me na ito ay trabaho. At ito ang trabahong bumubuhay sa atin. So growing up, more than the hurt, I think nag-bloom siya into pride,” dagdag niya.
Sa halip na magalit, deadma lamang ang kaniyang ina at nginingitian lamang ang mga tao.
“She would even smile at them, I think, eh. Kasi parang, ‘thank you for recognizing me,’” pag-alaala niya.
Hindi rin hiniling ni Zorayda na maghangad pa na mabago ang hitsura nito.
“Hindi ko ever narinig sa kaniya na I would want to look like somebody else. She embraced how she looks,” sabi ni Alexis tungkol sa ina.
Pumanaw si Zorayda noong 2008 dahil sa sakit na cancer. —FRJ GMA News
