Inilahad ni Rayver Cruz na lumabas ang kaniyang pagiging isang protective na nobyo nang minsang mag-calendar girl si Julie Anne San Jose.
“Hindi ako seloso. Pero nu’ng nag-pictorial siya [para sa calendar] ‘di ko mapigilan. Maya’t maya tsini-check ko. Nag-calendar siya,” kuwento ni Rayver sa nakaraan niyang guesting sa “Your Honor.”
Ayon kay Rayver, sanay naman siyang nagiging calendar cover noon ang kaniyang mga naging ex.
“Doon ako natatawa. Kasi sanay naman ako. Okay lang naman na sabihin. ‘Yung mga ex ko naman talaga... May mga ganu'n silang eksena. May mga magazine cover sila,” kuwento ng aktor.
Ngunit pagdating kay Julie, inamin ni Rayver na tila nag-alangan siya.
“Pero, nu’ng kay Julie kasi, parang hindi ako sanay na parang, kinukulit ko 'yung handler, si Ate Dianne (Bernardo) 'yung handler niya. Ate Dianne, kamusta 'yung pictorial? Tingin naman 'yung mga picture,’” anang Sparkle actor.
Dito nagsimulang magbigay ng kaniyang mga puna si Rayver sa mga larawan ni Julie.
“Pag-send sa akin. 'yung iba, aaminin ko, binabaril ko!, binabaril ko! Naging ano ako, (parang) manager ako. ‘Bakit ganu'n? Parang masyado naman…? Sabi niya [Julie] ‘Wala, hindi naman ‘yan gagamitin,’” natatawa niyang pag-alala.
Bukod dito, tinanong pa ni Rayver kung ilan ang mga lalaki na nasa pictorial noon ni Julie.
“Pero ayokong iparating sa kaniya nu’ng time na 'yun nu’ng nag-shoot siya kasi... Kaya dumadaan ako sa handler kasi ayoko isipin na ‘Ano ba naman ‘to.’ Ayoko rin kasi na nangingialam sa work,” dagdag niya.
Ikinuwento na lamang ni Rayver kay Julie ang kaniyang pag-aalala matapos ang shoot.
“Wala, tumatawa lang siya,” sabi ni Rayver na komento ni Julie. – FRJ GMA News
